Love triangle sinisilip sa patayan sa Pasay

MANILA, Philippines — Bumuo ngayon ng tracker team ang Pasay City Police laban sa riding-in-tandem na bumaril at pumatay sa isang 23-anyos na binata na hinihinalang may kinalaman sa love triangle  na naganap noong Sabado ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Police Colonel Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, ang biktimang si Kerr Louie Hipps, ng 103 Tramo Riverside, Brgy. 156, na kaagad na nasawi sanhi ng tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Bumuo na ng tracker team si Yang para sa manhunt operation laban sa mga suspek.

Lumalabas sa kuha ng cctv camera, naganap ang insidente alas-9:00 ng gabi noong Sabado (Mayo 18) sa kahabaan ng Tramo Riverside  ng nabanggit na barangay.

Naglalakad ang biktima nang biglang sumulpot ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo at walang salitang pinutukan ito sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect patungong Aurora St.

“Love triangle” ang isa sa mga motibong sinisiyasat ngayon ng pulisya dahil napag-alaman na ang da­ting boyfriend ng  nobya ng biktima ay gustong maki­pagbalikan ngunit tumanggi ang babae na hindi na pinabanggit ang pangalan nito.

Show comments