Dahil sa diskriminasyon at iba pang paglabag
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Department of Trade and Industry (DTI) ang operasyon ng isang Chinese restaurant dahil sa diskriminasyon at iba pang paglabag sa Las Piñas City.
Sa isinagawang inspeksyon kahapon ni DTI Secretary Ramon Lopez, kasama ang ilang opisyal at tauhan nito sa China Food City, na matatagpuan sa Chinese Food Park sa kahabaan ng Alabang Zapote Road ng nabanggit na lungsod, nakapaskil ang mga kataga dito na “Chinese only” at bukod dito ay napag-alaman, na wala pa pala itong permit.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ng DTI ang operator ng restaurant, habang kumukuha pa ang China Food City ng mga kaukulang permit, marapat na suspendihin muna ang operasyon nito.
Aalamin din ng DTI at lokal na pamahalaan ng Las Piñas City kung mayroong business at working permits ang mga establisimento sa nabanggit na lugar.
Nauna nang sinabi ni Lopez, na kanyang sinusuportahan ang pahayag ni Senator Panfilo Lacson laban sa “Chinese-only establishments”, kung saan pinagbabawal na makapasok ang mga Pinoy samantalang nasa teritoryo sila ng bansang Pilipinas.
Pahayag pa ng DTI, malinaw na diskriminasyon ang ginagawa ng naturang Chinese restaurant, na isa itong paglabag.
Nabatid na inatasan naman ng DTI ang lahat ng kanilang regional offices, na magsagawa din ng inspeksyon sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Pinayuhan din ni Lopez ang publiko na maaari ring mag-report ng anumang paglabag ng mga negosyo sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline na 1-DTI (1-384).