6 pang barangay sa Malabon, idineklarang drug-free

Pinarangalan ni City Mayor Antolin Oreta III ang mga barangay Baritan, Dampalit, Ibaba, Muzon, Niugan at San Agustin sa harap ng Malabonian na nagtipon sa city Amphitheater noong Marso 11.

MANILA, Philippines — Anim pang barangay sa Malabon ang idineklarang drug-cleared ng Inter-agency Committee on Anti-Drugs (ICAD) na pinamumunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakailan.

Pinarangalan ni City Mayor Antolin Oreta III ang mga barangay Baritan, Dampalit, Ibaba, Muzon, Niugan at San Agustin sa harap ng Malabonian na nagtipon sa city Amphitheater noong Marso 11.

Dumagdag ang mga ito sa Barangay Concepcion, Flores at Panghulo na naunang kinilala noong  nakaraang Enero.

Sa kabuuan ay  siyam  na ang bilang ng mga barangay na ligtas sa droga  mula sa kabuuang 21 barangay ng lungsod.

Ayon kay City of Malabon Anti-Drug Abuse Council (CMADAC) Action Officer John Vrix Sarmiento, napapabilang ang lungsod sa may pinakamaraming drug cleared barangay sa lokalidad sa  buong Metro-Manila bunga ng nagpapatuloy nitong kampanya laban sa  droga.

Inihayag kamakailan ni PDEA spokesperson Derrick Carreon na mayroong 11,080 mula sa kabuuang 42,044 barangay o 26.35% sa buong kapuluan ang naitalagang drug-cleared nitong Enero 31, 2019.

Nilinaw pa ni Carreon na kinakailangang masuri at mapatunayan ng ICAD ang kawalan ng drug supply,na  nagaganap na pangangalakal ng droga, drug laboratory, bodega ng droga o anumang sangkap nito, taniman ng marijuana, drug dens, drug pushers at users sa mga lugar upang maideklarang drug-cleared.

Show comments