MANILA, Philippines — Tulad ng senior citizen at estudyante, may 20 percent discount na rin ang mga single parent ng Quezon City sa pagkain sa mga restaurant sa lunsod.
Ito ay kung mayroon silang dala-dalang Solo Parent ID na maipapakita sa alinmang restaurant sa QC tuwing unang linggo at huling linggo ng bawat buwan.
Kahapon ng umaga, personal na namigay si QC Vice Mayor Joy Belmonte ng solo parent ID kasama ang mga kababaihang konsehal ng QC at ni Social Services Development Department Head Fe Macale sa may 100 solo parent sa isang simpleng seremonya sa QC hall matapos ang flag raising ceremony.
“Masuwerte kayo na magkaroon ng solo parent ID dahil may dagdag benepisyo kayong matatanggap mula sa pagkakaroon nito sa pagbili ng mga pagkain, bukod dito ay mayroon na po tayong 1,200 solo parents na nabigyan ng “Tindahan ni Ate Joy” na naglalaman ng worth 10,000 pesos na grocery items bilang panimula ng kanilang mga tindahan na pagkukunan ng kita para sa kanilang mga pamilya at patuloy rin po naming ginagawa ang mga paraan na magkaroon pa ng dagdag na benepisyo mula sa lokal na pamahalaan ang mga solo parent ng ating lunsod” mensahe ni Belmonte sa pagdiriwang ng Womens Month sa QC hall.
Tinagubilinan naman ni Councilor Racquel Malangen, may akda ng Single Parent ordinance na kailangan ay kasama ang anak kung ibig pakinabangan ng mga solo parent ang ID.
“Kung kakain kayo sa mga restaurant, kailangan kasama niyo ang inyong mga anak, huwag niyong isasama ang inyong boyfriend, mga anak lamang para may discount kayo sa restaurant” masayang sambit ni Malangen.
Bago ito, pinangunahan ni Belmonte ang Pledge of Support for Women na dinaluhan ng ibat ibang mga kababaihan mula sa ibat ibang distrito sa QC at mga empleado ng QC hall at mga Konsehal, department heads ng QC hall.