MANILA, Philippines — Labing-isa katao ang sinasabing dawit sa ilegal na droga ang inaresto ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa ikinasang buy-bust operation at pagkakatuklas sa isang drug den, kahapon ng madaling araw sa naturang lungsod.
Nakilala ang mga dinakip na sina Mario Calajate. 45; Junmark Palad, 46; Manolito Limbo, 37; Jamille Paradillo, 38; Randy Bayani, 21; Romeo Fernando, 39; Roger Talinga, 8; Elpidio Leoncio, 48; Felicitos Mendeza, 89; Elviera Estorba, 50; at Imelda Salangsang, 47.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang pagsalakay sa isang bahay sa Julian Felipe Street, Brgy. 8, ng naturang lungsod.
Nagkasa ng buy- bust operation ang Caloocan Station Drug Enforcement Unit at nagawang makabili ng kanilang poseur buyer ng isang plastic sachet ng shabu sa suspek na si Calajate.
Nakatunog ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon kaya nagtatakbo siya at pumasok sa isang bahay. Sinundan siya ng mga pulis kung saan nadiskubre ang 10 suspek na abala sa pot session.
Bukod sa isang plastic sachet at marked money, apat pang plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia ang nakumpiska ng pulisya.