Lider ng gun-for-hire/ KFR, 1 pa huli sa entrapment

Kinilala ni QCPD Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang dalawang nadakip na suspek na sina Christopher Dela Cruz, 43, leader ng ‘Tope KFR Gang’ at Mario Salvador, 46.
File Photo

MANILA, Philippines — Isang sinasabing lider ng gun-for-hire at kidnap for ransom group (KFR) group kasama ang tauhan nito ang naaresto ng mga Quezon City Police District-Special Operations Unit (QCPD-DSOU) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang entrapment operation sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni QCPD Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang dalawang nadakip na suspek na sina Christopher Dela Cruz, 43, leader ng ‘Tope KFR Gang’ at  Mario Salvador, 46.

Ang dalawa ay nadakip dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa sa isinagawang entrapment operation sa tapat ng isang money remittance establishment sa Malabon City.

Ayon sa report isang negosyante na kinilalang si Hermes Pascual, ng  Brgy. Tangos, Navotas City ang humingi ng tulong sa Que­zon City CIDG Central Metro Manila District Field Unit (CMMDFU) sa Camp Kari­ngal noong Enero 30, 2019 makaraang makatanggap ang kanyang pamilya ng pagbabanta sa kanilang buhay at humihingi ng pera.

Disyembre pa lamang noong nakalipas na taon, ayon kay Pascual, una nang humingi ang mga suspek ng P100,000 na pinadala sa isang money remittance  sa Malabon City.

Muling tumawag ang mga suspek nitong Enero 30, 2019, at humihingi ng karagdagang P50,000 at kung hindi magbibigay ay dudukutin at papatayin ang pamilya.

Napilitang magsumbong sa mga awtoridad si Pascual kaya isinagawa ang entrapment operation na nagresulta ng pagkakada­kip sa dalawa sa may F. Sevilla Blvd. Brgy. Tañong, Malabon City.

Narekober sa mga suspek ang dalawang Smith ang Wesson na kalibre .38 caliber na puno ng bala assorted ID’s, cell phone at claim receipt na nagkakahalaga ng P50,000.

Sa intelligence information ng nakuha ng QCPD, nabatid na ang ‘Tope KFR Gang’ ay siyang responsable sa ilang robbery incidents, kidnapping at maging gun-running sa area ng Caloocan Malabon Navotas Valenzuela (CAMANAVA) area, Quezon City, at  Maynila.

Show comments