MANILA, Philippines – Kapwa sugatan ang dalawang Chinese national nang ma-rescue ang mga ito matapos umanong dukutin ng armadong grupo sa magkahiwalay na insidente sa Las Piñas at Taguig City kamakalawa.
Ayon sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), alas-3:30 ng hapon nang matagpuan at ma-rescue ng isang concerned citizen ang Chinese na nakilalang si Fang Mei Zhu, 50. Nakatali ang mga kamay ng masking tape at electrical wire, na nakakonekta sa bibig nito, na tinali rin habang ang mukha ay tinakpan ng damit nang makita ito ng concerned citizen.
Nakita itong tumatakbo sa panulukan ng Vanda at Concidium Sts., Santos Village 3, Brgy. Zapote, Las Piñas City at humihingi ng tulong at sinasabing tumatakas sa tatlong armadong kalalakihan na sakay ng isang kulay puting Toyota Hi Ace van.
Kaagad itong kinalagan at mabilis na dinala sa nabanggit na ospital at ini-report sa himpilan ng Las Piñas City Police ang insidente.
Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Las Piñas City Police hinggil sa insidente.
Samantala, alas-5:28 ng hapon ay na-rescue rin ng mga pulis na nakatalaga sa Police Community Precint (PCP) 1 at POSO si Guo Faqiang, 46, isa ring Chinese habang tumatawid at humihingi ito ng tulong sa kahabaan ng C5 Road, Brgy. Western Bicutan, Taguig City.
Kaagad nilang dinala ang sugatang dayuhan sa Taguig-Pateros District Hospital, ngunit inilipat ito sa Saint Luke’s Medical Center, Bonifacio Global City (BGC). Iniimbestigahan pa kung may koneksyon sa isat-isa ang dalawang insidente.