MANILA, Philippines — Isang AWOL (Absent Without Official Leave) na pulis at tatlo nitong kasama na sinasabing nagtutulak ng droga ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang parak na si SPO1 Fernando Salvador, 55, dating nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group at nalipat sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kung saan siya na nag-AWOL.
Kasamang nahuli ni Salvador sina Allan Nacbuan, 42, Joel Nalayog, 32 at Michael Trinidad, 37 na pawang residente ng Brgy. Payatas, Quezon City.
Nabatid mula kay P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station 6 na dakong alas-6:30 ng gabi nang isagawa ng kanyang mga tauhan ang buy-bust operation laban sa mga suspek sa Ipil-Ipil St., Area-B, Brgy. Payatas, Quezon City.
Isang asset ng QCPD ang positibong nakabili ng droga sa mga suspek kaya sila inaresto at hindi naman nagtangkang manlaban pa matapos silang mapalibutan sa kanilang hideout.
Nakuha sa mga suspek ang 11 plastic sachet ng shabu, P500 na buy bust money at iba’t ibang drug paraphernalia.