MANILA, Philippines — Inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na posibleng mauwi sa expulsion ang parusang ‘dismissal’ na naunang ipinataw ng Ateneo de Manila University (AdMU) sa Junior High School student nito na kitang-kita sa isang viral video habang binu-bully at sinasaktan ang kanyang kapwa estudyante sa loob ng palikuran ng unibersidad.
Sinabi ni Briones, sakali umanong hindi nasiyahan ang pamilya ng biktima ng bullying sa naging hatol na dismissal ng AdMU sa ‘bully student’ ay maaari itong dumulog sa tanggapan ng DepEd at iapela ito.
Kung mangyayari ito ay maaaring rebyuhin ng DepEd ang desisyon ng AdMU, at kung may makikita silang sapat na batayan ay maaaring mauwi sa expulsion ang parusa sa naturang ‘bully kid.’
“Kung halimbawa, sabihin natin expulsion, ang tingin ng legal ng DepEd eh may karapatan ang DepEd na tingnan kung ano ‘yung decision na, na pwedeng i-review ‘yung decision,” dagdag pa ng kalihim.
Ipinaliwanag naman ni Briones na iba ang dismissal sa expulsion, dahil alinsunod aniya sa DepEd Manual, ang expulsion ay nangangahulugang hindi na papayagan pa ang nagkasalang estudyante na matanggap sa alinmang public o private school sa Pilipinas, habang ang dismissal naman ay nangangahulugang hindi lamang siya maaaring mag-enroll sa pinanggalingan niyang paaralan.
Aminado naman si Briones na karamihan sa mga bullying incident ay naaayos na sa pamamagitan ng isang dayalogo sa pagitan ng mga magulang ng mga batang sangkot at ng pamunuan ng unibersidad.
Gayunman, sa panig aniya ng DepEd ay mananatili itong bukas para sa mas masusi pang imbestigasyon.