MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong murder ang apat na suspek na itinuturong sangkot sa pagpatay sa isang miyembro ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group –National Capital Region (PNP-CIDG-NCR) kaugnay ng pagpatay noong Nobyembre 29 ng taong ito sa Pasig City.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Bernabe Balba , ang kaso laban sa mga pumaslang sa biktimang si PO2 Manuel Melendres III alyas Buboy, 48 taong gulang ay isinampa na sa Pasig City Prosecutor’s Office.
Kinilala ni Balba ang mga kinasuhan na sina Julius Panis, Aaron Paul Panis, Amiel Paul Panis at Alex Melendres; pawang magkakaanak na naninirahan sa Melendres Pag-asa St., Brgy, Caniogan, Pasig City.
Sa ulat ni Pasig City Police Chief P/Sr. Supt Rizalito Gapas, base sa imbestigasyon ng Special Investigation Task Force, ang mga suspect ay positibong kinilala ni Shirley Melendres, misis ng biktima na nakasaksi sa krimen.
Lumilitaw naman na alitan sa lupa ang motibo ng pamamaslang sa nasabing biktima kaugnay ng distribusyon ng lote sa Melendres compound na pag-aari ng magkakamaganak.
Sina Julius Panis at Aaron Paul Panis ay una nang nasakote ng CIDG Eastern Police at Pasig City Police Station noong Disyembre 12, 2018 sa lungsod.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal sa detention cell ng Pasig City Police sina Julis at Aaron habang pinaghahanap pa ang dalawang mga kasamahan ng mga ito.