MANILA, Philippines — Sa kabila nang naipalabas na temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema na pansamantalang nagpapahinto sa operasyon, tuloy pa rin ang pag-arangkada sa mga lansangan ng Motorcycle APP na Angkas.
Ayon kay George Royeca, spokesman ng Angkas, tuloy ang operasyon ng kanilang mga miyembro dahil ang SC decision ay hindi naman anya nagsasabi na ang Angkas ay legal o illegal ang operasyon.
“Tuloy po ang pagbibiyahe ngayon. Let me reiterate lang po ang TRO po galing sa Korte Suprema ay ukol po sa injunction na na-grant ng RTC (Regional Trial Court), wala pong desisyon tungkol sa Angkas na pagiging ilegal o legal sa daan,” sabi ni Royeca.
Anya, ang desisyong ituloy ang operasyon ay kahit na may utos ang LTFRB na hulihin ang kanilang mga riders at i-impound ang kanilang mga sasakyan.
“Angkas has always been here to support its riding community. So we will support all of our bikers to the extent of the law, kung ano po ang kailangan nating gawin para mailigtas yung ating biker, gagawin po natin, basta po nasa batas. So if it is paying fines, anything around that tutulungan po namin ang mga bikers natin,” dagdag ni Royeca.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Jay Sabale, information officer ng LTFRB sa Angkas na sundin ang batas at igalang ang desisyon ng Korte Suprema.
“Dapat igalang ng Angkas ang desisyon ng Korte Suprema at sundin ang batas sa ilalim ng RA 4136 section 7 C na bawal gawing for hire ang mga pribadong motorsiklo higit sa lahat, walang proteksiyon ang mga sakay nito lalo’t walang insurance ang sasakyan para sa kanilang mga pasahero,” pahayag ni Sabale.
Sa record ng Phil Statistics Office noong 2015, mahigit 10 libong namatay dahil sa road traffic crashes at may 19,852 naman ng mga kaso ng aksidente ng motorcycle riders ang naitala ng Dept. of Health at sa ulat ng PNP-HPG ay may 5,105 kaso ng aksidente sa kalsada na ang pinakamarami ay sangkot ang motorsiklo sa unang bahagi ng 2018.
Una nang nagbanta ang LTFRB na huhulihin ang Angkas motorcycle oras na lumabag sa batas.