MANILA, Philippines — Isang dating piskal ang natangayan ng nasa P4-milyong halaga ng mga mamahaling alahas at kagamitan matapos na pasukin ng mga miyembro ng “Akyat Bahay Gang” ang kanyang bahay sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay si George Florendo Cabanilla, 65, retired fiscal na nakatira No. 17 Mindanao Ave., Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.
Sinabi ng katulong ni Cabanilla na si Evelyn Evarista kay PO3 Virgilio Mendoza, paggising umano niya dakong alas-5:20 ng madaling araw at magsisimula na sana siyang maglinis sa buong kabahayan nang mapansin nito na parang dinaanan ng bagyo ang kanilang sala at bukas ang bintana sa kusina.
Dahil dito, agad na pinuntahan ng kasambahay ang silid ng kanyang amo at sinabing pinagnakawan sila.
Agad na tiningnan ng dating piskal ang kanyang mga gamit pero nawawala na ang kanyang Samsung tablet na nagkakahalaga ng P15,000; isang Celine bag, kulay asul na Balenciaga bag na naglalaman ng mga importanteng dokumento, passport, mga mamahaling alahas na nasa P3.8 milyon, at P150,000 cash.
Masusing iniimbestigahan na ng pulisya ang naganap na nakawan at tanging ang mga nakuha lamang na mga “finger prints” ang inisyal na pagbabatayan dahil walang CCTV umano sa loob ng nasabing tahanan.