MANILA, Philippines — Nagpalabas ng P200,000 pabuya si Malabon City Mayor Antolin “Lenlen” Oreta para sa agarang pagresolba at pagkakadakip sa mga pumatay sa kanyang political leader na binaril nitong nakaraang Martes.
Ito ay kasabay ng pagkondena ni Oreta sa pamamaslang kay Brgy. Catmon Kagawad Rodrigo Tambo, alyas Tacio na pinagbabaril ng dalawang hindi nakilalang salarin sa naturang barangay.
Nabatid na limang taon nang aktibong leader ng Arya Progresibo ang biktima na isang lokal na organisasyon sa lungsod na sumusuporta sa pamamahala ni Oreta bilang alkalde. Naging numero 1 kagawad sa Barangay Catmon si Tambo nitong nakalipas na halalang pambarangay.
Inatasan ni Oreta ang Malabon City Police na agarang lutasin ang naturang kaso para mabigyan ng hustisya ang mga naulilang pamilya ni Tambo at malaman kung sino ang nasa likod ng pamamaslang.
Patuloy ngayon ang pagkalap ng impormasyon ni Malabon Police Follow-Up Unit at Station Investigation, Detection and Management Branch na inatasan ni police chief, Sr. Supt. Jessie Tamayo na tutukan ang kaso.
Ayon naman sa mga kaanak ni Tambo, wala silang kakilalang kaaway ng biktima na kilalang matulungin sa kanilang barangay kaya nanalo bilang pangunahing kagawad.
Pinaniniwalaan naman na maaaring may kinalaman sa politika at darating na halalan ang pamamaslang dahil sa pagpanig ng biktima kay Oreta.