MANILA, Philippines — Maaari nang magtungo sa mga satellite offices ang mga Manilenyo upang kumuha ng mga kailangang requirements o para maki-pagtransaksyon.
Ayon kay Jay Dela Fuente, Head Secretariat ng Manila Barangay Bureau ang muling pagbubukas ng mga satellite offices na nagsimula nitong Biyernes ay alinsunod sa kautusan ni Mayor Joseph Estrada na ilapit ang serbisyo sa publiko sa lahat ng mga residente ng nasabing lungsod.
Nabatid kay Estrada, kabilang sa mga binuksang Manila satellite offices para sa publiko ay matatagpuan sa Tondo Complex para sa mga taga Distrito 1, Patricia Complex sa Gagalangin para sa mga taga Distrito 2 at sa Rasac Covered Court sa Sta. Cruz para sa Distrito 3.
Ang mga satellite offi-ces naman sa ibang distrito ng Maynila ay inaasahang bubuksan sa publiko bago umano matapos ang taon.
Paliwanag ni Dela Fuente, hindi na mahihirapan ang mga Manileños na pumunta sa Manila City Hall para lamang kumuha ng mga requirements sa kanilang trabahong papasukan, pagkuha ng cedula, paghingi ng assistance at mga nagpapagamot, at iba pang libreng serbisyo publiko dahil inilapit na sa kanila ang serbisyo sa pamamagitan ng satellite offices.
Ang mga nabanggit na satellite offices ay may mga kinatawan na mula sa Manila Health Department, City Treasurer’s Office, PESO, Manila Manpower Center, Office of Senior Citizens Affair, Manila Social Welfare and Development, City Civil Registrar’s Office, City Engineer’s Office, Department of Public Service at Manila Barangay Bureau.