Karo bumangga sa trak: Ulo ng dalang patay, lumusot sa windshield

Nasugatan sa insidente ang driver ng karo na si Philip Mendoza Warat, gayundin ang kaniyang kasamahan na si Anthony De Guzman habang nagmistula namang ‘double dead’ ang di na pinangalanang bangkay, nang tumilapon ito mula sa kinalalagyang kabaong at lumusot ang ulo sa nabasag na windshield ng karo.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Isang karo ng patay ang bumangga sa isang 12-wheeler dump truck sa Quezon City, kahapon ng madaling araw  na nagresulta sa mistulang pagiging ‘double dead’ ng bangkay na sakay nito, at pagkasugat naman ng driver ng karo at ng kanyang kasamahan.

 Nasugatan sa insidente ang driver ng karo na si Philip Mendoza Warat, gayundin ang kaniyang kasamahan na si Anthony De Guzman habang nagmistula namang ‘double dead’ ang di na pinangalanang bangkay, nang tumilapon ito mula sa kinalalagyang kabaong at lumusot ang ulo sa nabasag na windshield ng karo.

 Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Traffic Sector 1, dakong alas-12:05 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Quezon Ave. at Roosevelt Ave. sa Quezon City.

 Patungo sana ang karo ng Saint Peter Funeral para iburol ang bangkay nang bumangga ito sa 12-wheeler truck na minamaneho ni Rodolfo Ignacio, na noon ay nag-u-turn naman sa lugar.

 Dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang bangkay na nasa kabaong at lumusot ang ulo sa nabasag na windshield ng karo, habang nasugatan naman sina Warat at De Guzman.

 Hindi naman kaagad nahugot ng rescue team ang ulo ng patay mula sa nabasag na windshield  dahil sa pangambang maputol ito.

 Ayon sa ilang saksi, mabilis ang takbo ng karo kaya’t hindi nakapagpreno at nabangga ang truck.

 Mariin naman itong pinabulaanan ni Warat at sinabing bawal ito sa kanila dahil may speed limit na sinusunod ang punerarya.

Show comments