MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng pulisya ang aktres na si Keanna Reeves matapos itong ireklamo ng cyber libel sa isinagawang operasyon sa Quezon City nitong Lunes.
Ayon kay P/Chief Inspector Zyrus Serrano, Chief ng CIDG Laguna, dakong alas-12:45 ng hapon nang arestuhin ng kaniyang mga tauhan at ng Calamba City Police si Janet Derecho Duterte, alyas Keanna Reeves, Keanna Reeves Duterte sa Timog Avenue sa panulukan ng Scout Ybardolaza ng lungsod.
Si Reeves ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Maria Florencia Baculo ng Regional Trial Court (RTC) Branch 34, Calamba City, Laguna nitong Nobyembre 7, 2018 na may inilagak na piyansang P20,000.00.
Nabatid na si Reeves ay sinampahan ng kasong cyber libel ng negosyanteng si Nancy Dimaranan dahilan umano sa paninira at pang-aalipusta nito sa kaniya sa social media partikular na sa facebook.
Samantalang desidido naman si Dimaranan na ipursige ang kaso nito laban kay Reeves na nakilala niya noong 2013 matapos itong mag-perform sa Komikera Bar sa Calamba City, Laguna.
Ayon sa opisyal, si Reeves ay dinala na sa himpilan ng CIDG Laguna para sa kaukulang disposisyon.
Si Reeves ay naging big winner sa Pinoy Big Brother ng ABS-CBN noong 2006.
Magugunita na si Reeves ay naging kontrobersyal sa iskandalosang pag-amin nitong naka-sex niya ang mga kilalang pulitiko at mga poging aktor.