BCJ balik-kalaboso: Nahulihan ng shabu sa sementeryo

Ayon sa hepe ng Pasay City Police na si Sr. Supt. Noel Flores, naganap ang insidente alas-6:30 ng gabi sa loob ng Pasay City Public Cemetery, na matatagpuan sa Don Carlos Revilla St., Brgy. 148, Zone 16.
File

MANILA, Philippines — Isang miyembro ng ‘Batang City Jail’ (BCJ) na kabilang sa drug watchlist ng pulisya ang balik- bilangguan nang mahulihan ng shabu sa loob ng isang pampublikong sementeryo sa Pasay City kamakalawa ng gabi.

Muling naghihimas ng rehas na bakal ang suspect na si Eddie Escobar , alyas Sadak , 48, ng Sgt. Mariano St., Brgy. 148, Zone 16 ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa hepe ng Pasay City Police na si Sr. Supt. Noel Flores, naganap ang insidente alas-6:30 ng gabi sa loob ng Pasay City Public Cemetery, na matatagpuan sa Don Carlos Revilla St., Brgy. 148, Zone 16.

Habang nagpapaptrolya ang mga pulis na nakatalaga sa Baclaran Police Community Precinct sa naturang lugar, namataan ng mga ito ang suspect na naglalakad na nakahubad nang pang itaas.

Kung kaya’t sinita ng mga ito si Escobar at nang kapkapan ay nakuhanan ito sa bulsa ng isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Kaagad na inaresto ng mga pulis ang naturang suspect at dinala ito sa tanggapan ng Pasay City Police Drug Enforcement Unit (DEU).

Sa ginawang pag-iimbestiga ng mga pulis sa suspect, nalaman na miyembro umano ito ng BCJ, dati nang nakulong at nasa drug watchlist pala ito ng Pasay City Police.

Kasong paglabag sa ordinansa No. 5907 at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa sa nabanggit na suspect.

Show comments