MANILA, Philippines — Bumagsak sa kamay ng batas ang tatlong kalalaki-han na pawang Most Wanted Persons (MWP) sa kasong murder sa isinagawang magkakasunod na operasyon ng mga otoridad sa lungsod ng Mandaluyong, Marikina at San Juan, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), unang nadakma ng mga pulis ang itinutu-ring na No.1 most wanted sa lungsod ng Mandaluyong na si Jonas delos Santos, 36, ng No.7 Blk 38, Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, dakong alas-6:45 ng gabi sa kanyang tahanan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC) Branch 213.
Sumunod na naaresto ng Marikina City Police si Marvin Neri, na itinuturing namang No. 2 most wanted person sa naturang lungsod.
Bitbit ng mga otoridad ang warrant of arrest buhat sa Marikina City RTC Branch 272, dakong 9:25 ng gabi nang maaresto si Neri sa Bouganvilla St., Minahan, sa Brgy. Malanday.
Samantala, dakong alas-10:00 ng gabi nang madakip ng San Juan City Police si Jerry Bulalaque sa Master Gym sa Baseco Compound sa Tondo, Manila.
Si Bulalaque, na itinuturing namang No. 1 most wanted person sa San Juan City ay inaresto sa bisa ng mandamiento de arresto na inisyu ng San Juan City RTC Branch 160.
Pawang humihimas na sa rehas ang mga suspek habang hinihintay pa ang commitment order ng hukuman para sa kanila.