MANILA, Philippines — Posibleng makapag-produce ng may 50 kilo ng illegal drugs sa loob lamang ng isang linggo ang ni-raid na shabu laboratory sa high end condominium sa Pasay kamakalawa ng gabi.
Ito ang sinabi kahapon ni PDEA spokesman Derrick Arnold Carreon base sa assessment ng kanilang forensic chemists matapos ang isinagawang raid sa Oceanaire Luxurious Residences sa lungsod kung saan nakasamsam ng may 80 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P544 milyon at iba pang kemikal gamit sa paggawa ng ilegal na droga.
Kung ihahambing umano sa ibang shabu lab na kanilang nadiskubre na makakapag-produce lamang ng 10 kilo droga sa isang linggo mas malaki ang napo-produce na narcotics sa nadiskubre sa Pasay.
Ito umano ayon pa kay Carreon ay dahil sa ang lahat ng ingredients ay nasa naturang lugar kaya masasabing aabot sa 50 kilo ang maaaring ma-produce dito sa loob ng lamang ng isang linggo.
Limang Hong Kong nationals na konektado sa ni-raid ng shabu laboratory ang inaresto sa sunud-sunod na operasyon simula pa noong nakaraang Lunes.
Isa sa mga ito si Lin Huan Sen, 42, na nadakip sa tapat ng isang hotel sa Roxas Blvd sa Maynila na nasamsaman ng 20 kilo ng shabu.
Ang apat na nadakip kamakalawa ay sina Lam King Wag, 35; Wong Ka Lok, 38 na naaresto sa Parañaque at sina Lam Wing Bun, 52 at Lam Ming Sun, 56 na naaresto sa Pasay.
Bukod sa Metro Manila, target ding pasukin ng operasyon ng grupo ang Central Luzon at CALABARZON region.