Dahil sa bomb scare sa social media
MANILA, Philippines — Sa kabila nang pagso- sorry ng blogger na si Drew Olivar tuluyan na itong pinakakasuhan ni PNP chief Director General Oscar Albayalde sa pagpapakalat nito ng bomb scare sa social media kasabay ng pagsasabing agad itong panagutin sa batas.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Albayalde na pinasasampahan na niya ng kaso si Olivar upang turuan ito ng leksyon at hindi na pamarisan pa ng iba.
“I think si Drew Olivar has already learned his lesson and he will be charged for violation of Presidential Decree 1727 (Anti-Bomb Joke Law)”, pahayag ni Albayalde.
Ang pahayag ay ginawa ng PNP Chief matapos na humarap sa National Ca-pital Region Police Office (NCRPO) si Olivar noong Sabado para humingi ng paumanhin at magpaliwanag sa kanyang pagpapakalat ng isang mensahe sa kaniyang online post sa social media na nagbabala tungkol sa posibleng pambobomba sa Setyembre 21 rallies.
Si Olivar ay sinamahan pa ni Mocha Uson, Assis-tant Secretary sa Presidential Communication Office (PCOO) sa paghingi ng ta-wad sa netizens sa pagtungo nito sa tanggapan ng NCRPO.
Bagaman , wala namang naganap na hindi inaasahang pangyayari na dulot ng pambobomba ay dapat pa ring managot si Olivar, ayon pa sa opisyal dahilan may katapat na kaparusahan sa batas ang pagpakalat ng bomb scare at bomb joke.
Samantalang ipinaliwa-nag pa ni Olivar, ginawa niya lang ito dahil “concerned” siya sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa panig naman ni NCRPO Director C/Supt Guillermo Eleazar, na kung may impormasyong hawak ang sinuman tungkol sa posibleng bomb threat, ito ay dapat na iparating sa PNP at hindi ipakalat sa social media.
Inihayag pa ni Eleazar na may mga nagtatanong sa kaniya kung bakit hinuli ang isang lalaking nag-bomb joke sa Light Rail Transit (LRT) sinabi nito na may probisyon ang batas na magsagawa ng ‘warrant of arrest’ sa kaso ng bomb joke.
Samantalang muli ring ipinaalala ng mga opisyal sa netizens na bawal ang bomb joke at bomb scares at hindi katwiran ang pagi-ging ignorante sa batas para makalusot .