Trader sa road rage, inilipat na sa Camp Bagong Diwa

Ang negosyanteng si Arnold Padilla matapos dumating sa Camp Bagong Diwa sa Taguig buhat sa kanyang pagkaka-hospital arrest sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Kuha ni Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Mula sa hospital arrest, inilipat na sa kulungan ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang negosyanteng si Arnold Padilla matapos mag-viral ang video hinggil sa ginawa nitong panggugulpi at panlalait sa  dalawang traffic enforcer sa Makati City, kamakailan.

Nabatid na si Padilla at body guard nito ay dinakip noong isang linggo ng ope­ratiba ng National Capital Regional Police Office sa bahay nito sa Magallanes Village sa Makati City sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte.

Nakumpiska sa mga ito ang ilang baril, granada at mga bala pero itinanggi ito ng kampo ni Padilla  at sinabing itinanim lang umano ng mga pulis ang mga nasamsam na armas.

Habang inaaresto ay tumaas ang blood pressure nito at hiniling ng kampo nito na i-confine siya sa St.  Luke’s Hospital sa Taguig City.

Hindi pumayag ang mga pulis sa hiling ng kampo ni Padilla at sa halip ay dinala ito sa Camp Crame hospital dahil sa patuloy na pagtaas ng blood pressure.

Dito naman nadiskubre ng mga kinauukulan na niluluwa ni Padilla ang gamot na pinaiinom dito para manatili aniya ang mataas na blood pressure nito.

Kinumpirma ito ni Police Chief Inspector Paterno Domondon Jr., deputy chief ng Metro Manila Police Special Operations Unit.

Hindi na pinayagan ng pulisya na ma-hospital arrest ito kaya inilipat sa Camp    Bagong Diwa detention cell sa Bicutan, Taguig City.

Nabatid na hindi bibig-yan ng special treatment ang naturang negosyante.

Show comments