MANILA, Philippines — Hindi lamang ang basura ang target na solusyunan ni Manila Mayor Joseph Estrada kundi pati ang problema sa illegal vendors at buhul-buhol na trapiko sa lungsod.
Sa mensahe ni Estrada matapos maging 2nd placer ang Manila sa Over-all Most Competetive Highy Urbanized City, binati ng alkalde ang kanyang mga department heads kasunod ng direktibang mas maging agresibo pa sa paglilingkod sa mga residente ng Maynila.
Bagama’t naging 1st placer na ang Maynila sa pagiging most competetive sa buong bansa noong 2016, sinabi ng alkalde na hindi pa rin dapat mag-relax ang mga department heads.
Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Erap si Manila Traffic and Parking Bureau Chief Dennis Alcoreza na palakasin ang kampanya laban sa mga illegal parking, illegal terminals at mga kolorum sa lungsod.
Pinatututukan din ni Estrada ang mga illegal vendors na madalas maging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa iba’t- ibang parte ng Maynila.
Nauna nang binalaan ng alkalde ang garbage contractor na IPM Construction and Development Corporation na kakanselahin nito ang kontrata kapag naulit ang kapalpakan nito sa paghahakot ng basura.