MANILA, Philippines — Bahagyang nagkatensiyon kahapon sa Konseho ng Maynila matapos na “makudeta” si Majority Floor Leader at 5th District Councilor Casimiro Sison at mapalitan sa puwesto ni 2nd District Councilor Rolan Valeriano.
Ikinagulat ng lahat nang ideklara ni 3rd District Councilor Manuel ‘Letlet’ Zarcal na bakante ang posisyon ng Majority Floor Leader at isinagawa ang botohan. Idineklarang bagong Majority Floor Leader si Valeriano.
Tinangka ni Sison na umapela subalit hindi ito nagtagum-pay lalo pa’t sunud-sunod ang hindi nito pagsang-ayon sa mga ibinoboto. Bunga nito makailang ulit ding nag-recess ang konseho.
Itinalaga namang Assistant Majority Floor si Edward Tan ng 2nd District habang 2nd Assistant Majority Floor Leader naman si 3rd District Councilor Grace Chua.
Wala namang kumontra nang iboto para maging Pro Tempore si 3rd District Councilor Asuncion ‘Re’ Fugoso. Dahil sa patuloy na pag apela ni Sison, hindi muna nagbotohan para sa Minority Floor Leader.
Ayon kay Presiding Office at Manila Vice Mayor Honey Lacuna, idineklarang bakante ang lahat ng komite. Ang Committee Chairmanship ay tatalakayin sa Lunes.