MANILA, Philippines — Inihayag ni San Juan City Mayor Guia Gomez na walang pasok ngayong araw ng Lunes ang mga estudyante mula sa pre-school hanggang senior high school sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod.
Ang anunsiyo ay isinagawa ni Mayor Gomez, bunsod ng pagdiriwang ng lungsod ng kanilang kapistahan kahapon.
Sinabi ng alkalde, ang suspensiyon ng klase ay bilang pagbibigay konsiderasyon sa mga estudyante at mga propesor nila na ilang linggo ring naghanda at nagpraktis para sa mga natatanging performance na ipinamalas nila sa Wattah! Wattah Festival! activities, na idinaos sa San Juan Elementary School kahapon.
Ang naturang festival, o mas kilala sa tawag na ‘Basaan Festival,’ ay taunang isinasagawa sa lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang sa kapistahan ni San Juan Bautista tuwing Hunyo 24.