Paggunita sa Araw ng Maynila simula ngayon

MANILA, Philippines — Simula na ngayon ang selebrasyon ng ika-447 taong anibersaryo ng Araw ng Maynila.

Ngayong araw ay paparangalan ang mga natata-nging empleyado dahil sa serbisyo ng mga ito. Gaganapin ang parangal mamayang alas-2:00 ng hapon.

Mula Hunyo 19 hanggang 21 naman, pangungunahan ng  Division of City Schools ang pagpaparangal sa mga Outstanding Educators sa Century Park Hotel dakong alas-1:00 ng hapon na susundan naman ng youth concert sa Rajah Sulayman Park bandang alas-7:00 ng gabi. Bibigyan din ng parangal ni Mayor Joseph Estrada sa Hunyo 19 ang mga senior citizens ng lungsod sa  Universidad de Manila simula ala-4:00 ng hapon.

Hunyo 20 ay gagawaran ng parangal ni Estrada ang mga  Filipino sa ilalim ng “Patnubay ng Sining at Kalinangan Awards”  habang Hunyo 21 ng gabi naman ang pagpaparangal sa mga city employees, teachers, judges, prosecutors, at police officers na gaganapin sa Manila Hotel.

Pasasalamatan din ang mga Outstanding Taxpayers at Manilans sa Hunyo 22 habang dadalo naman sa umaga sa Thanksgiving Mass ang Alkalde sa San Agustin Church matapos ang Wreathlaying sa Rizal Park sa Hunyo 24.

Gaganapin naman ang grand coronation night ng 2018 Miss Manila pageant sa Linggo ng Hunyo 26 sa Philippine International Convention Center.

Show comments