MANILA, Philippines — Papapanagutin ng Quezon City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Joy Belmonte ang mga restoran at iba pang establisyementong mapag-aalaman na nagtatapon ng kanilang gamit na mantika at sebo diretso sa mga kanal at estero sa lungsod.
Ito ay makaraang aprubahan ng City Council ang Ordinance No. 2691, S-2018 o “Used/Waste Cooking Oil and Grease Trap Waste Regulation Ordinance na iniakda ni Councilor Allan Benedict Reyes na layong parusahan ang mga lalabag dito.
Sa ilalim ng naturang ordinansa ang lalabag dito ay magmumulta na P2,000 sa first offense, P3,000 sa second offense, at P5,000 at pagbawi sa business permit sa mga susunod pang paglabag.
Ang pag-apruba sa naturang ordinansa ay kasabay ng isinagawang inspeksyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilang restoran sa lungsod na natuklasang nagtatapon ng kanilang grease trap waste sa mga drainage.
Ayon kay Belmonte, ang mga sebong ito ay nagdudulot ng pagbabara ng mga kanal at pagbabaha nitong mga nakaraang araw.
“It is the policy of the Quezon City government to prevent or minimize the health hazards on ground and water pollution caused by the improper disposal, transport, storage, and reuse of used cooking oil and grease trap waste by food establishments,” pahayag ni Belmonte.