MANILA, Philippines — Nais ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na magkaroon ng 24/7 ‘Suicide Prevention Hotline’ sa lungsod dahil na rin sa tumataas na bilang ng mga nagpapakamatay.
Ayon kay Belmonte, ang magkasunod na pagpapatiwakal ni celebrity chef Anthony Bourdain at fashion designer Kate Spade sa US, at ang mga nagaganap na suicide sa Pilipinas, ay magsilbi sanang paalala sa gobyerno na pagtuunan ng pansin ang mental health, partikular na ang depresyon na pangunahing sanhi ng suicide.
“We in the Philippines are not spared from this increasing global trend. Perhaps our city can establish a Helpline similar to the ones in the US and other countries with growing suicide rates, now, I’m sure everyone is convinced depression when unheeded can lead to suicide. It is a public health issue and government needs to step up its efforts,” pagdidiin pa ni Belmonte.
Anya, noong nasa graduate school siya ay nasaksihan ang pagpapakamatay ng isang kapwa niya estudyante.
“A student jumped from our school building and struck the ground just a few meters from where I was standing. The memory is still very vivid in my mind,” kuwento pa ni Belmonte.
Noong 2011, nakipagtambalan si Belmonte sa Natasha Goulbourn Foundation (NGF) sa paggunita sa World Suicide Prevention Day sa Quezon City.
“At that time Jeannie Goulbourn told us we were perhaps the only city government that took her advocacy seriously,” ani Belmonte.
Tinutukoy niya ang founder ng NGF, isang non-profit organization na ang pangunahing adbokasiya ay pagtulong sa mga taong nakakaranas ng depresyon at iba pang mental health issues.
Base sa datos ng gobyerno, sinabi ni Belmonte na anim na tao ang nagsu-suicide sa bansa kada araw. Noong 2016 lang ay 2,413 kaso ng pagpapakamatay ang naitala at mula 2012 hanggang 2016, nasa 237 na mga kabataan edad 10 hanggang 14 ang nag-suicide.