June 15, idineklarang ‘Elder Abuse Awareness Day’ sa Quezon City

MANILA, Philippines — Idineklara ng Quezon City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Joy Belmonte ang Hunyo 15 bilang  “Quezon City’s Elder Abuse Awareness Day” bilang pagsuporta sa kampanya ng United Nation (UN) laban sa elder abuse o pagmamaltrato sa mga matatanda.

Sa pinagtibay na City  Ordinance No. SP-2670, S-2018, binigyang diin ni Belmonte na tama lang na makiisa ang lokal na pamahalaan sa international community upang pigilan ang mga kaso ng elder abuse.

“Elder abuse is happening in our country and sadly, it remains one of the least investigated types of violence. It is time that we at the city government step up the campaign against this problem,” pahayag ni Belmonte.

Anya , ang elder abuse ay isang “global issue” na nakakaapekto sa kalusugan at kara­patang pantao ng milyun-milyong matatanda sa mundo, isang isyu na dapat lang bigyang atensyon din ng lokal na pamahalaan.

Sa pag-aaral ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG), ikinalungkot ni Belmonte ang mismong mga anak pa ng mga senior citizens ang pangunahing nang-aabuso, kasunod ang mga asawa at mga apo.

“Respect for our elders has been an integral part of our Filipino culture but unfortunately we still hear of incidents of abuse, exploitation, and neglect of senior citizens. This must be stopped,” ani Belmonte.

Naipasa ng Sangguniang Panglungsod ang Ordinance No. SP-2670, S-2018  na iniakda ni QC Councilor Eric Medina, Godofredo Liban at Beth Delarmente bilang pagsunod sa Resolution No.66/127 na nilabas ng UN General Assembly na nagtatakda sa Hunyo 15 ng kada taon bilang World Elder Abuse Awareness Day.  Inaatasan din nito ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Social Services Development Department (SSDD) na pangunahan ang pagpapatupad ng iba’t ibang pamamaraan para proteksyunan ang mga nakakatanda. Sa ngayon, may  375,000 registered senior citizens ang QC.

Show comments