MANILA, Philippines — Pinagbabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang mga suspect ang tatlong lalaki sa magkahiwalay na insidente na naganap sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Sa unang insidente, nagtamo ng mga tama ng baril sa ulo at katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril,sina Rodel A. Dizon, 58 at Arman Ramos Jeguna, kapwa nakatira sa Dinggin Bayan, Brgy. Ibayo, Tipas ng naturang siyudad.
Blanko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspect at nagsasagawa pa ng follow-up operation hinggil sa insidente.
Ayon sa hepe ng Taguig City Police na si Police Sr. Supt. Alexander Santos, alas-9:30 kamakalawa ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa Snake Roas Romantic, Brgy. Santa Ana ng naturang siyudad ng isang Boy Banarez nang lumabas ito ng kanyang bahay.
Dali-daling pinuntahan ng mga pulis ang lugar at dito nga nila natagpuan ang nakahandusay na bangkay ng mga biktima habangnatagpuan din ang isang inabandonang motorsiklo.
Nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa isinagawang pamamaslang sa mga biktima.
Samantala, ayon naman sa hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police na si Chief Inspector Roman Salazar, alas-12:45 kahapon ng madaling araw nang matagpuan ang isa pa ring bangkay ng lalaki sa isang bangketa sa panulukan ng Morning Glory St., at C-5 Service Road, Brgy. Pembo ng naturang siyudad.
Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril at inaalam pa ng pulisya kung sino ang responsable sa pagpaslang dito.