MANILA, Philippines — Isang binata ang nasawi matapos na tadtarin ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang di-kilalang lalaki sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay kinilalang si Jomar Gaston Tugad, 27, ng Adama Ext., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Si Tugad ay namatay noon din sanhi ng tinamong 18 malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rhic Roldan L. Pittong, nabatid na ang krimen ay naganap dakong alas-4:20 ng madaling araw sa Sto. Rosario St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Hinala ng pulisya, malaki ang atraso ng biktima sa suspek na posibleng nakaalitan nito dahil sa grabeng tinamong mga saksak sa katawan, at sinigurong patay bago iniwanan sa lugar.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng masusing imbestigas-yon ang pulisya para matukoy at makilala ang suspek at maaresto ito at mabatid ang motibo ng krimen.