MANILA, Philippines — Patay ang isang Korean national makaraang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Inisyal na nakilala ng pulisya ang biktima na si Kim Woon Oh. Isinugod pa siya ng mga rescuers sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ngunit nalagutan ng buhay habang isinasailalim sa operasyon.
Sa ulat ng pulisya, alas-9 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang Station Tactical Operations Center ukol sa isang insidente ng pamamaril sa may Novahills Subdivision sa Brgy. 171 Bagumbong, ng naturang lungsod.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 6 at agad na nakita ang duguang biktima sa kalsada saka siya isinugod sa nabanggit na pagamutan.
Narekober ng mga pulis sa posesyon ng biktima ang kanyang wallet na may laman na P4,750 sa iba’t ibang denominasyon, isang Korean driver’s license, credit card at room card niya sa City of Dreams Hotel sa Parañaque City.
Sinabi ni Caloocan City Police Deputy Chief, P/Supt. Ferdinand Del Rosario, kinalap na ng kanilang mga imbestigador ang lahat ng footage ng mga ‘closed circuit television camera (CCTV)’ sa bisinidad at nirerebisa na ang laman sa pag-asang may ebidensyang nahagip upang makilala ang mga salarin.
Nakikipag-ugnayan na rin sa kanilang mga im-bestigador ang konsulada ng Korea para mabatid ang background ng biktima at makakuha ng lead sa posibleng motibo ng naturang pamamaslang.