MANILA, Philippines — Mahigpit na disiplina at pagbibigay edukasyon sa mga motorista ang dalawang elemento para maresolbahan ang lumalalang trapik sa Kalakhang Maynila.
Ito ang nakikitang solusyon nina Bert Suansing, dating Land Transportation Office (LTO) Assistant secretary at ngayon ay opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB) at ang traffic czar ng lungsod ng Parañaque na si Teoderico Barandino.
Sa isang pulong sa “Kapihan sa Makati”, sinabi ng mga ito, na ang ugat kung bakit lalung lumalala ang trapik sa Metro Manila ay dahil sa walang disiplina, matitigas ang ulo at pasaway na mga motorista.
Kung kaya’t panahon na aniya na dapat na kumilos upang ipatupad ang mahigpit na pagdisiplina sa mga motorista.
Bukod pa aniya rito ay higit na i-educate ang mga ito upang malaman nila ang kahalagahan ng mga batas trapiko at huwag maging ignorante rito.
Dahil hindi lahat aniya ng driver sa bansa ay may kaalaman sa batas trapiko kaya dapat maturuan.
Dapat aniya ay maghigpit ang gobyerno na bago magbigay ng drivers license ay dapat alam na mga driver ang lahat ng batas trapiko bago sila bumagtas sa mga kalsada .
Bukod dito ay tinukoy din nila ang kawalan ng disiplina ng mga rider, kung kaya’t base sa datus, kada araw aniya ay nasa 36 aksidente ang nagaganap sa mga kalsada na may kinalaman ang motorsiklo.