MANILA, Philippines — Dalawang pulis ang inaresto ng mga elemento ng Counter Intelligence Task Force (CITF) matapos na ireklamo ng pangongotong ng mga bus at van drivers sa isinagawang entrapment operation sa Malibay, Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Sa press conference sa Camp Crame, kinilala ni CITF Commander P/Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo ang mga nasakoteng suspek na sina PO2 Jerry Adjani Jubail at PO1 Michael Domalanta.
Bandang alas-4:15 ng hapon, ayon kay Malayo nang masakote ang dalawang parak habang nangongolekta umano ng ‘protection money’ o patong mula sa mga bus at van drivers na nagpi-pickup ng mga pasahero sa illegal terminal sa lungsod.
Hindi na nakapalag ang dalawang pulis matapos na arestuhin ng mga nakaposteng CITF habang tumatanggap ng marked money sa isa sa mga nagrereklamo na sinamahan ng mga operatiba sa nasabing entrapment operation.
Sinabi ni Malayo na ang dalawang pasaway na pa-rak ay pawang nakatala- ga sa Malibay Pasay Community Precinct (PCP) sa Pasay City Police.
Bago ito ay nagsagawa ng surveillance operation sa lugar ang CITF operatives at nang makumpirma ang mga reklamong kanilang natatanggap ay isinagawa ang operasyon laban sa dalawang parak na naaresto sa lugar.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nangingikil ang dalawa ng tig-P300 hanggang P500 mula sa mga bus at van drivers na pumaparada at kumukuha ng pasahero sa naturang illegal na terminal.
Kalaboso na ngayon at isinailalim na sa kustodya ng CITF sa Camp Crame ang dalawang pulis na nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.