P1.5-M Ecstasy tablets nakumpiska sa Philpost Office

Iniinspeksiyon ng isang Customs examiner ang package galing Netherlands na naglalaman ng may 926 tableta ng ecstasy na nadiskubre sa Philippine Post Office. May kaugnay na ulat sa pahina 6.
Rudy Santos

MANILA, Philippines — Umaabot sa P 1.5 mil­yon halaga ng party drug na ecstasy ang nakumpiska ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos itong madiskubre sa isang package sa Philippine Post Office sa operasyon sa Pasay City.

Sinabi ni PDEA Di­rec­tor General Aaron Aquino, aabot sa 962 tablets ng ecstasy ang nadiskubre sa isang package ng mga elemento ng PDEA katuwang ang mga operatiba ng Ninoy Aquino International Airport-Inter-Agency Drug Interdiction Group (NAIA-IADIG).

Sinabi ni Aquino na ipi­nabatid sa kanilang mga operatiba ng duty examiner ng Bureau of Customs ang kahinahinalang package  galing Netherlands ng dumaan ito sa cargo X-ray machine ng paliparan kamakailan.

Upang makumpirma kung ano ang nilalaman ng nasabing bagahe  ay nagsagawa ng PDEA ng pag-iinspeksyon gamit ang mga narcotic detection dog  na agad namang umupo matapos amuyin ang nasabing party drugs.

Agad namang nagsa-gawa ng pakikipagkoor-dinasyon ang mga otoridad sa foreign cargo company  sa nasabing bagahe na handa na sa pickup.

Kamakalawa ng alas-11:00 ng umaga nang pumoste ang mga otoridad  at nasakote ang consignee na kukuha ng bagahe na kinilalang si Monica Santos, 20, ng 159 Tomas Morato Street sa panulukan ng Kamuning Street, Brgy. Obrero, Quezon City.

Nabatid pa na ang package ay ipinadala ni Samson Santos na may address    na 110, 1st Gravenjijkoreez, 1104D.A., The Netherlands.

Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang nasakoteng suspek.

Show comments