MANILA, Philippines — Simula sa darating na Lunes, April 23 ay mag iikot si QC Vice Mayor Joy Belmonte sa ibat ibang barangay sa lungsod upang magbenta ng murang bigas sa presyong P38 kada kilo sa rolling stores na binansagang “Rolling TienDA/Bigas para sa Masa” sa tulong ng Department of Agriculture mula alas-8:00 ng umaga.
Sinabi ni Belmonte na ang hakbang ay upang matulungan ang publiko na magkaroon ng sapat na suplay ng murang bigas sa kabila ng kakulangan nito mula sa National Food Authority (NFA), na mas tinatangkilik ng mga mahihirap na pamilya.
Ang “Rolling TienDA/Bigas para sa MASA” ay unang nilunsad sa Barangay Payatas noong Marso 5 ni Belmonte at DA na sagot sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na paglaanan ng murang pagkain ang mamamayan.
Ang pagbebenta ng murang bigas ng Rolling TienDA ay tatagal hanggang Abril 30.
Iikutin nito ang Barangays Escopa 3, Tagumpay, Bagong Silangan, Sto. Niño, Tatalon, Pasong Putik, Sta. Monica, Manresa, at Talayan.
Bukod sa bigas,magtitinda rin ang mga TienDA truck ng mga sariwang gulay.