MANILA, Philippines — Plano ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na magtayo ng mga food park para ma-legalize ang hanapbuhay ng mga illegal vendors sa lungsod.
Ayon kay Belmonte, isa ito sa nakikita niyang solusyon upang maresolba ang problema sa illegal vendors para maayos na makapagtinda ng legal.
“I want to make a program where we can “level up” what they’re selling. Those selling street foods, for example, maybe we can put up food parks for them,” pahayag ni Belmonte.
Sikat ang QC sa dami ng mga nagsulputang food parks tulad sa Maginhawa Street sa UP Village, The Yard sa Xavierville Avenue, Box Park sa Tandang Sora, at Pazar Food Park sa North Fairview na dinadayo ng mga tao.
“Most of food and beverage stores at food parks are usually small, start-up enterprises, so following this concept, we can try this in helping the sidewalk vendors,” sabi pa ni Belmonte.
Aniya, magagawa naman ito kung magpapatupad ng komprehensibong programa ang lokal na pamahalaan kung saan mabibigyan ng sapat na tulong ang mga sidewalk vendors na magkaroon ng puhunan at kasanayan sa pagpapatakbo ng maliliit na negosyo.
“We can identify places where lahat ng nagbebenta diyan, whether street foods, etc., may certificate of sanitation, na pwede sila puntahan ng turista tulad ng sikat na street food hubs sa Thailand, Malaysia, at Singapore,” dagdag ni Belmonte.
Dinagdag nito na sa food park program, dalawang problema agad ang mareresolba tulad ng pagbawas sa sikip ng daloy ng trapiko at pagbibigay ng mas maayos na hanapbuhay sa mga illegal vendors.
Ang pagwaksi ng kahirapan at kawalan ng trabaho ang ilan sa mga prayoridad ni Belmonte. Una na niyang pinanukala ang pagtatayo ng tanggapan sa City Hall na tutulong sa mga maliit na negosyante o micro-entrepreneurs.
Ayon kay Belmonte, marami ang nagnanais magtayo ng negosyo gaano man kaliit ngunit nag-aalangan dahil sa kakulangan ng kapital o kaaalaman kaya mahalagang maitayo ang Micro and Small Enterprise Dev’t Council.