MANILA, Philippines — Umabot sa P600,000 ang ipinamahagi ni Manila Mayor Joseph Estrada sa anim na Centenarian na pagpapakita ng kanilang magandang kalusugan at disiplina sa buhay.
Kinilala ang mga Centenarians na sina Leonila Dela Fuente Acacio at Asuncion Angque Angeles, kapwa mula sa Distrito 4; Leandra De Paz Valles, mula sa Distrito 5; at sina Celedonia Eugenio, Bonifacio Santos at Araceli Garcia Manuel, pawang mula sa Distrito 6.
Ang okasyon ay dinaluhan ng 600 senior citizens nitong Marso 9, sa San Andres Sports Complex sa Malate.
Namahagi rin si Estrada ng 18 wheelchair at inianun-siyo ang marami pang benepisyo na libreng ipagkakaloob sa lahat ng senior citizens ng Maynila.
Binanggit ng alkalde na ang isang maysakit at mahirap na matanda ay makatatanggap ng P3,000 halaga ng maintenance medicines sa loob ng isang buwan at mabibigyan ng free regular physical examination, cardiac stress test, endoscopy at katulad na serbisyong medikal.
Ayon kay Dr. Benjamin Yson, pinuno ng Manila Health Department (MHD), naglaan ang pamahalaang lungsod ng P70 milyon para sa libreng gamot para sa nakatatandang mamamayan ng siyudad.
Sa susunod na linggo, walo pang Centenarian ang bibigyan ng tig-P100,000 cash gifts ni Estrada.