MANILA, Philippines — Pitong kabataan na itinuturong responsable sa pagpatay sa isang 14-anyos ang nalambat ng mga awtoridad matapos ang gang war sa mismong araw ng Pasko sa Baseco, Port Area, Maynila kamakalawa.
Sa ulat ni Manila Police District-Station 5 chief, Supt. Emerey Abating, anim sa pitong suspek ay pawang menor-de-edad na hindi na binanggit ang mga pangalan, maliban sa 19-anyos na si Asnadin Acran, isang out-of-school youth.
Hindi nagtagal, pinakawalan din ang tatlo sa pito dahil sila ay nasa edad lamang na 14 habang pinipigil pa sa himpilan ang dalawang 16-anyos at isang 15-anyos.
Paliwanag ni Abating, sa ilalim ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na saklaw ang kanilang edad sa ‘exemption’ sa kriminal na pananagutan.
Kaugnay ang pag-aresto sa mga kabataan nang mapatay ang isang Charles Edward Dacio, 14-anyos noong Dis. 25, 2017 sa Port Area. Miyembro umano siya ng Loyal Brotherhood o LBH na kinuyog ng kalabang grupo na KPT o Killer Performance Target. Galing umano sa pamamasyal sa Luneta si Dacio kasama ang kanyang mga kaibigan nang mamataan at salakayin habang naglalakad sa Baseco ng grupo ng LBH. Nakatakbo papalayo ang mga kasamahan at minalas na abutan si Dacio ng kalabang grupo kaya siya lamang ang halinhinang sinaksak.