MANILA, Philippines - Patay ang apat na katao kabilang ang isang walong buwang buntis na babae sa magkakahiwalay na pamamaril sa Quezon City kamakalawa.
Sa report na isinumite sa tanggapan ng Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, director ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na ang unang insidente ng pamamaril ay naganap sa #35 P. Tupaz St., Doña Rosario Subdivision, Brgy. Novaliches Proper, Novaliches dakong ala-1:00 ng hapon.
Hindi na umabot ng buhay sa Novaliches District Hospital ang biktimang si Allan Villareal, 40, tricycle driver, matapos itong pagbabarilin sa ulo ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Alas-6:45 naman ng gabi nang pagbabarilin at mapatay ang welder na si Jheyson Luaya, 37, ng Block 20, Lot 17, Santa Cruz St., Republic Avenue, Brgy. Holy Spirit, Quezon City ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspect.
Dakong alas-7:00 ng gabi nang paulanan ng bala ng hindi pa kilalang mga suspek ang mag-live-in na sina Jessel Duay, 29, walong buwang buntis at Mark James Medinilla, 31, kapwa residente ng #21 Gold St., Area A. Talanay, Brgy. Batasan.
Si Duay ay idineklarang dead on arrival sa ospital sanhi ng ilang tama ng bala sa ulo at ibat-ibang bahagi ng katawan. Habang si Medinilla ay patuloy na nilalapatan ng lunas.
Samantala, alas-9:25 naman ng gabi nang pagbabarilin ng hindi pa rin nakikilalang mga suspek ang negosyanteng si Alfredo Roxas, 47, habang minamaneho nito ang kanyang jeepney (DJX-447) na bumangga naman sa isang kulay berdeng Hyundai Accent na may plakang AAO-8508. Namatay din ito habang dinadala sa ospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detective Unit (CID) ng QCPD sa apat na magkakasunod na pamamaril.