MANILA, Philippines - Dumanas ng aberya sa preno ang isang tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sanhi upang mapilitan itong magpababa ng mga pasahero, kahapon ng umaga.
Sa abiso ng LRT-1, nabatid na dakong alas-10:00 ng umaga nang pababain ang mga pasahero ng tren sa United Nations Avenue Station sa Ermita, Manila.
May naamoy umano kasing usok na nanggagaling mula sa tren kaya’t upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ay inilipat na lamang sila ng ibang tren.
Nang busisiin, natukoy na posibleng problema sa preno ang naging dahilan ng aberya.
Naibalik naman kaagad sa normal ang biyahe ng LRT-1 matapos ang ilang minuto.
Ang LRT-1 ang siyang nag-uugnay sa Baclaran, Parañaque City hanggang Roosevelt, Quezon City.