MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang 13 pa ang malubhang nasugatan nang aksidenteng sumalpok ang sinasakyan nilang pampasaherong jeepney sa isang kongretong poste sa kahabaan ng E. Rodriguez Avenue, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Base sa ulat ng Quezon City Police Traffic Sector 4, patay ang isang hindi pa nakikilalang babaeng pasahero ng jeep habang marami pa ang nasugatan na dinala sa ibat’ ibang mga pagamutan.
Nakapiit na ngayon ang driver ng jeepney na si William Cuntapay, 19, binata ng Block 5, E. Rodriguez Sr., Avenue, Brgy. Damayang Lagi sa lungsod.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa kahabaan ng E. Rodriguez Sr., Avenue, malapit sa kanto ng Teodoro Gener St., Brgy. Kristong Hari, dakong alas -11:30 ng gabi.
Sakay ang mga biktima sa pinapasadang jeepney (DKL-784) ni Cuntapay galing sa direksyon ng Edsa-Cubao at patungong direksyon ng Tomas Morato nang pagsapit sa nasabing lugar ay matuling rumagasa ito at aksidenteng sumalpok sa poste. Sa lakas ng impact, nagmistulang pinitpit na lata ng sardinas ang jeepney na nagresulta sa labis na pinsalang natamo sa kanilang katawan ng mga pasahero.
Gayunman, makalipas ang alas 2:02 ng madaling araw ay idineklarang patay ang isa sa mga biktima.
Kasong reckless imprudence resulting in homicide with multiple physical injuries.