BOC warehouse natupok

MANILA, Philippines - Sumiklab ang apoy sa warehouse ng Bureau of Customs sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sinasabing faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog na nagsimula dakong alas- 9:06 ng gabi. sa Warehouse 159  na kinalalagyan ng mga nakumpiska at ebidensiya ng BOC.

Nahirapan ang mga awtoridad na apulahin ang apoy dahil na rin sa kawalan ng fire hydrants. Ito na rin ang nakikitang dahilan kaya’t umabot sa fifth alarm ang sunog.

Ayon naman kay Auction and Cargo Disposal Division Chief Oscar Villalba, kabilang sa mga kasamang natupok ay luxury cars, tobacco products, mga sasakyang hindi na nagagamit, gulong, pekeng kargamento, tsinelas, bags, “ukay-ukay” clothes, mga tela at kemikal.

Ito rin  ang nakikitang dahilan kung kaya’t mabilis na ku­malat ang apoy at  nasunog ang  buong  warehouse. Nakatakda na sanang ipasubasta ang mga naturang kagamitang apektado ng sunog.

Nagsimula umano ang apoy sa gitnang bahagi ng bodega pasado alas-9 ng gabi, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Idineklarang under control bandang alas-11:45 ng gabi ang sunog. Wala ding naiulat na nasaktan.

Inaalam naman ng BOC ang halaga ng  danyos.

Show comments