MANILA, Philippines - Naperwisyo na namang muli ang mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos na salubungin ng sunud-sunod na aberya kahapon.
Batay sa abiso na ipinalabas ng MRT-3, umaga pa lamang ay tatlong beses nang nakaranas ng aberya ang ilang tren ng MRT-3.
Nabatid na ang unang aberya ay naganap dakong alas-8:20 ng umaga, kung kailan napilitan ang MRT-3 na magpababa ng mga pasahero sa Cubao Station northbound matapos na dumanas ng technical problem ang isa sa mga tren nito.
Matapos naman ang halos 40 minuto o eksaktong alas-8:58 ng umaga, napilitan din na pababain ang mga pasahero ng isa pang tren ng MRT-3 sa Magallanes Station southbound dahil pa rin sa technical problem.
Ang ikatlong aberya naman ay naganap dakong alas-9:41 ng umaga, kung kailan muling pinababa ang mga pasahero ng tren sa Magallanes Station northbound dahil pa rin sa kaparehong dahilan.
Ang tatlong sunud-sunod na aberya ay umabot ng Category 3 na ang ibig sabihin ay inalis ang mga tren sa riles nang walang kapalit.
Ang MRT-3 na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue sa Pasay City at North Avenue sa Quezon City.