MANILA, Philippines - Patay ang isang piskal ng Caloocan City makaraang tambangan at pagbabarilin ng isang hindi nakilalang salarin sa harap ng kanyang bahay habang ang una ay papasakay ng kotse, kahapon ng umaga sa naturang lungsod.
Agad na nasawi ang bik-timang si Assistant Prosecutor Diosdado Azarcon, 57, ng Caloocan City Prosecutor’s Office, at naninirahan sa Brgy. 63, West Grace Park, ng naturang lungsod.
Inilarawan ng mga saksi ang suspect na may taas na 5’5”, katamtaman ang katawan, maigsi ang buhok, at nakasuot ng gray na t-shirt. Nakatakas siya sakay ng isang motorsiklo na minamaneho pa ng isang salarin.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Prosecutor’s Office, naganap ang krimen dakong alas-7:45 ng umaga sa harap ng bahay ng biktima. Papasakay na sa kanyang sasakyang Toyota Avanza ang piskal nang lapitan ng gunman at pagbabarilin siya nang malapitan sa ulo saka mabilis na tumakas sa direksyon ng 10th Avenue.
Narekober sa lugar ng krimen ang tatlong blangkong bala ng kalibre .45 baril at isang deformed na bala. Inaalam din ng pulisya kung may kuha ng ‘‘closed circuit television camera (CCTV)’’ sa bisinidad ng lugar ng krimen sa ikakikilala sa suspects.
Kasalukuyang blangko pa ang mga imbestigador sa motibo ng pamamaslang dahil sa hindi pa makausap ng maayos ang mga kaanak ni Azarcon na pawang na-shock sa pangyayari. Inaalam ng pulisya ang mga kasong hinawakan ng biktima upang mabatid kung may kinalaman ang mga ito sa pamamaslang.
Nabatid naman na magsasagawa rin ng parallel investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naganap na krimen upang mabatid kung personal o may kaugnayan sa kanyang trabaho ang krimen at para mapabilis ang pagbibigay ng katarungan sa biktima.
Lumilitaw sa rekord ng DOJ na si Azarcon ay ikatlo nang prosecutor na pinatay sa loob ng pitong buwan.
Noong Enero 11, pinatay si Quezon City prosecutor Johanne Noel Mingoa sa harap ng isang restaurant sa Brgy. Old Balara, Quezon City.
Habang si Mati City Prosecutor Rolando Acido, ay pinagbabaril ng dalawang armadong kalalakihan sakay ng isang motorsiklo habang patungo ito sa Mati Hall of Justice noong Oktubre 26. (Dagdag ulat ni Doris Franche- Borja)