MANILA, Philippines - Limang hepe ng pulisya na nakatalaga sa Metro Manila kabilang ang dating nasibak na hepe ng Makati City Police ang itinalaga sa panibagong posisyon sa balasahan na ipinatupad ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde. Sinabi ni Albayalde na ang rigodon na kaniyang ipinatupad sa limang Police Districts sa NCRPO epektibo ngayong araw.
Kabilang sa mga nabiyayaan ng panibagong posisyon ay sina Senior Supt. Dionisio Bartolome na una nang sinibak noong Mayo 11 o mahigit isang linggo pa lamang ang nakalilipas ni PNP Chief P/Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa matapos na masangkot sa extortion ang apat na intelligence operatives ng Makati City Police Ang iba pang itinalaga sa panibagong puwesto ay sina Sr. Supt. Alexander Santos, dating Regio-nal Operations Division ng NCRPO bilang bagong hepe ng Taguig City Police; Sr. Supt. Allen Ocden dating hepe ng Taguig City Police at ngayon ay siya namang bagong talagang hepe ng Navotas City Police Station; Sr. Supt. Dante Novicio mula sa Navotas City Police Station ay siya na ngayong bagong hepe ng Muntinlupa City Police at si Sr. Supt. Lawrence Coop mula sa Pasay City Police ang siya ngayong bagong pinuno ng San Juan City Police.
Samantalang bukod sa limang hepe ay nahagip rin ng revamp sina Sr. Supt Nicolas Salvador na natalaga bilang Acting Regio-nal Operations and Plans Division ng NCRPO at Sr. Supt. Audie Villacin bilang Officer-in-Charge, District Directorial Staff ng Eas-tern Police District. Magugunita na si Bartolome ay nasibak sa puwesto kasama si Chief Inspector Oscar Pagulayan sanhi ng command responsibility sa pagkakaaresto ng mga operatiba ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) sa apat na miyembro ng Makati Police Intelligence Division sa entrapment operation sa Pasay City noong Mayo 10 ng gabi. Ang apat na scalawags na parak ay inakusahan ng isang magkasintahan na kinotongan ng mga ito ng P400,000 matapos na puwersahang tangayin noong Mayo 9.
Inihayag ni Albayalde na ang pagbabalasa ay sanhi ng carreer advancement ng mga opisyal kung saan ilan sa mga ito ay nabigyan ng promosyon sa serbisyo habang ang iba naman ay matapos na magretiro ang iba pang mga opisyal. Sa press briefing sa Camp Crame, ipinaliwanag naman ni Chief Inspector Kimberly Gonzales na lumitaw sa imbestigasyon na walang pananagutan si Bartolome sa pagkakasangkot ng mga naligaw ng landas nitong tauhan kaya kasama ito sa nabigyan ng bagong posisyon.
“Sr. Supt Bartolome has been cleared of any liability. As explained by the Regional Director, NCRPO, officers administratively relieved to give a freehand for any investigation. When liability is cleared we must give assignment to officers perfor-ming well”, paliwanag pa ng opisyal.