MANILA, Philippines - Patay ang dalawang miyembro ng carnapping syndicate, na sangkot din sa ilegal na droga matapos makipagbarilan ang mga ito sa mga pulis kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Napag- alaman sa hepe ng Caloocan City Police na si Police Senior Supt. Chito Bersaluna, dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril ang hindi pa nakilalang mga suspect.
Ang dalawa ay positibong itinuro ni Raymond Dela Peña, 26, na tumangay ng kanyang motorsiklo na nakaparada sa loob ng kanilang garahe.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3:15 ng madaling araw, galing si Dela Peña sa tanggapan ng Anti-Carnapping Unit, North Caloocan City Police kasama ang kanyang pinsan upang ireport ang pagkawala ng kanyang motorsiklo.
Nang mapansin nila ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo sa kahabaan ng Domato Avenue, Phase 12, Brgy. 188 ng naturang siyudad.
Agad na bumalik ang biktima sa himpilan ng Police Community Precinct (PCP)-4 at humingi ng tulong kay Police Chief Inspector Timothy Aniway Jr., kung kaya’t mabilis na rumisponde ang mga police sa naturang lugar alas-4:05 ng madaling araw.
Nang mapansin ng mga suspect ang mga pulis ay mabilis na humarurot ang mga ito patungong Excess Lot, Phase 12 at pumasok sa isang abandonadong bahay at nang papalapit na ang mga pulis ay agad nila itong pinaputukan.
Gumanti ang mga pulis at sa palitan ng putok, dito na nakitang bumulagta ang mga suspect.
Narekober ng mga tauhan ng Scene Of the Crime Office (SOCO) mula sa mga nasawing suspect ang isang Colt cal. .45 pistola, isang kalibre .38 revolver, dalawang sachet ng shabu at ang Suzuki Smash 110 motorcycle na pag-aari ni Dela Peña.