MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Police District Director Chief Supt. Joel Coronel na ipatutupad nila ang maximum tolerance sa iba’t ibang mga labor groups at non-government organizations na magsasagawa ng rally ngayong Labor Day.
Ang pahayag ni Coronel ay bunsod na rin ng inaasahang pagdagsa at sabay-sabay na rally ng mga cause oriented groups upang ihayag ang kanilang mga karaingan at hiling sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Coronel na ang lahat naman ay pinapayagan namang magsagawa ng rally sa pangako na walang anumang karahasan o gulo na gagawin ang mga labor groups.
Binigyan diin ni Coronel na hindi na nila hahayaan pang maulit ang madugong pagtatagpo ng mga pulis at raliyista. Aniya, hangga’t kaya ng mga pulis na tiisin ang pagpasensiyahan ang mga raliyista kanila itong gagawin.
Dahil dito, umapela si Coronel sa mga raliyista na huwag naman ubusin ang pasensiya ng mga pulis dahil nais lamang ng mga ito na panatilihin na maayos ang rally at walang anumang pambabastos mula sa hanay ng mga raliyista.
Tiniyak din ni Coronel na mananagot naman ang kanyang mga tauhan sakaling magkaroon ng pang-aabuso sa mga raliyista.