MANILA, Philippines - Patay na nang matag-puan ang isang Hapones matapos itong magbigti sa isang hotel sa Pasay City, kamakalawa.
Sa pamamagitan ng photo copy ng kanyang pass- port nakilala ang dayuhang si Takeshi Nakade, 46, taga Namayashi, Japan, nakalagak ang bangkay nito sa Rizal Funeral Homes upang isailalim sa autopsy.
Sa pagisiyasat ni Pasay City Police investigator SPO4 Allan Valdez, nabatid na noong Lunes (Abril 17), ala-1:47 ng hapon nang mag-check-in si Nakade sa Room 320 ng isang hotel na matatagpuan sa EDSA-Harrison St., ng naturang lungsod.
Bandang alas-11:53 ng gabi ay umorder pa ito ng pagkain at dahil 24 oras ang kanyang kinuhang kuwarto bandang ala-1:00 kamakalawa ng hapon ay tinawagan ni Rosaline Callada, duty front desk officer ng hotel ang biktima para ipaalam na tapos na ang oras ng check-in nito.
Ngunit makailang beses na tinatawagan sa telepono ang dayuhan ay hindi ito sumasagot.
Dahil dito minabuting puntahan na ang kuwarto ng dayuhan at sinubukan nilang katukin, subalit hindi pa rin ito sumasagot.
Kung kaya’t napilitan nang humingi ng responde ang pamunuan ng hotel sa mga pulis at dito natuklasan na nagbigti ang naturang dayuhan.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang isang papel na may nakasulat na mga pangalan ng kaanak ng dayuhan na pinatatawagan nito (sa salitang Hapon ) at iba pang personal na gamit nito.
Samantala agad naman ipinagbigay alam ng mga awtoridad sa Japanese Embassy ang nasabing insidente.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.