MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang isinagawang graduation ng may 100 drug surrenderees na sumailalim sa community base rehabilitation program ng QC Anti Illegal Drugs and Abuse Advisory Council (QCADAAC) sa Amoranto theater kahapon.
Sinabi ni Vice Mayor Belmonte na ang mga nagsipagtapos kahapon sa naturang programa ay unang batch pa lang mula sa 10,000 drug surrenderees ng QC na nagpasailalim sa proyekto na may 12 sessions.
“QC pa lamang ang gumawa ng proyektong ito na ang ating mga drug surrenderees ay ating tutulungan sa abot ng ating makakaya para sila ay magkaroon ng magandang buhay. Sila ay yaong mga hindi pa lulong sa droga na nais magbago”, pahayag ni Belmonte.
Anya, may 500 trabaho ang naghihintay sa mga drug surrenderees para magkatrabaho sa San Miguel Corporation para magkatrabaho sa itatayong MRT 7 at ang iba naman ay bibigyan ng trabaho ng iba pang private sector na kanyang kausap at ang karamihan naman sa mga kababaihan ay napapagkalooban ng maliit na negosyo sa ilalim ng ‘Tindahan ni Ate Joy’ at ang iba naman ay hinahasa ng TESDA sa ibat-ibang uri ng trabaho para mabigyan din ng hanapbuhay sa private sector tulad ng call center at clerical jobs.
Sinabi ni Belmonte na ang mga drug surrendeeres na sumailalim sa rehab program ay iba pa sa mga drug dependents na inaalagaan ng tanggapan na nasa ‘Tahanan Rehabilitation Center at mga kabataang nalululong sa droga na kinakanlong sa apat na Special Drug Education Center.
Ang ilan naman anyang drug dependent ay isinasailalim sa sports program upang maisentro dito ang kanilang panahon at maiwasan ang paggamit ng illegal drugs.