MANILA, Philippines - Swak. Kumpirmadong nagdro-droga!
Ito ang lumitaw matapos na magposi-tibo sa confirmatory drug test si Supt. Lito Cabamongan, ang opisyal na naaktuhan na nagsa-shabu sa Las Piñas City kamakailan.
“Supt. Cabamongan showed positive result for shabu during confirmatory drug test but negative for marijuana’’, ani PNP Crime Laboratory Office Director P/Chief Supt. Aurelio Trampe.
Una nang lumitaw na positibo sa inisyal na drug test na isinagawa ng PNP Crime Laboratory si Cabamongan habang sa resulta ng neuro-psychiatric test na ipinalabas kamakalawa ay nabatid na may psychosis o mental disorder ito o nabubuwang na umano dahilan sa drug abuse.
Si Cabamongan ay ang nasibak na hepe ng Alabang Satellite Office Crime Laboratory Service dahilan sa panggugulo sa sinehan ng isang mall may ilang linggo na ang nakalilipas ng hindi ito payagang makapanood ng sine ng libre.
Si Cabamongan ang pinakamataas na opisyal na nag-positibo sa paggamit ng illegal na droga. Nahuli ito sa pot session sa Las Piñas City kasama ang sibilyang si Nedy Sabdao na positibo rin sa paggamit ng shabu.
Samantalang, bukod dito ay may kinakaharap ring kaso ng sexual harassment si Cabamongan.
Ayon kay Trampe, isusumite na nila sa PNP-Internal Affairs Service ang resulta ng confirmatory drug test at neuro-psychiatric test laban kay Cabamongan para maum-pisahan na ang pagsasalang dito sa summary dismissal proceedings.